Skip to content

SIR GAS: Ang Kuwento ng Isang Dating Prinsipal na Ngayon ay Gas Boy sa Nueva Vizcaya

  • by

Nueva Vizcaya – Bayani ang bawat guro sapagkat higit sa kanilang suweldo ang paninilbihan nila para sa ating mga kabataan na pag-asa ng ating bayan. Ngunit sa paglipas ng panahon, may mga kaguruan na napapadpad sa iba’t ibang larangan. Kaya paano kung ang isang dating principal na iyong binabati ng ‘Good morning, Sir’ ang siya ngayong bumabati sa iyo bilang isang gas boy sa isang gasolinahan?

Ang dating punong-guro na ito ay si G. Dizon Bayangan o mas kilala bilang Sir Dizon. Sa loob ng mahigit tatlumpung taon, nagsilbi siyang guro at kinalaunan ay prinsipal sa mga mababang paaralan sa bayan ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya. Sa kanyang pamumuno. Malaki ang kanyang naiambag sa pagpapaunlad ng edukasyon sa kanyang komunidad na isang IP community.

Sa katunayan, hindi naging madali kay Sir Dizon ang pagiging prinsipal. Responsibilidad niyang hubugin ang kinabukasan ng mga libo-libong mag-aaral. Kulang sa pasilidad at modernong gamit ang kanyang paaralan. Isang napakalaking hamon ang kawalan ng sapat na imprastraktura tulad ng stage at covered court kung saan maaaring idaos ang mga buwanang programa at taunang graduation, umuulan man o umaaraw.



Sa tulong ng kanyang mga kapwa guro, mga magulang, at ilang mga lider sa kanyang komunidad, nagawa ni Sir Dizon na magpatayo ng mga covered court sa ilang paaralan kung saan siya ay nagsilbi. Sa kabila ng mga suliraning kinaharap niya bilang punong-guro, pinagsikapan din niyang maging isang mabuting ama sa kanyang tatlong anak at mapagmahal na asawa, na isa rin ding guro.

Matapos magretiro bilang principal ngayong taon, nabuo kay Sir Dizon ang isang mas mataas na ambisyon. Napansin niya na marami sa kanyang mga dating mag-aaral ang hindi natapos ang kanilang pag-aaral. O kahit nakapagtapos ay hindi pa rin sapat ang kita.

Retirement Program of Sir Dizon


Nakita ni Sir Dizon sa pagnenegosyo bilang isang solusyon.
Dahil sa kaniyang paniniwala na lahat ay maaaring magtagumpay kahit hindi ka nakatapos sa pag-aaral, sinimulan niya ang kanyang sariling negosyo. Siya ay nagtayo ng isang gasolinahan na kanyang tinawag na GOLDMOUNT GAS. Bagamat maaaring sabihin ng iba na ito ay isang risky venture para sa isang retired teacher, hindi ito ang pananaw ni Sir Dizon. Sa halip, itinuring niya ito bilang isang oportunidad upang magbigay ng inspirasyon sa lahat.

Ani Sir Dizon, ‘Hindi dapat ikahiya ang pagiging tendero sa palengke, magsasaka, o kahit na maging isang gas boy!’ Walang marangal na trabaho na dapat nating ikahiya.



Sa gasolinahan, natagpuan ni Sir Dizon ang pagkakataon na makatulong at maglingkod sa iba. Bilang isang dating lider, ang kanyang kakayahan sa pamamahala at pagkilala sa mga pangangailangan ng mga tao ay naging malaking tulong sa kanyang bagong trabaho.

Kahit na ang kasalukuyang hanapbuhay niya ay iba sa kanyang dating posisyon bilang punong-guro, hindi ibig sabihin nito na nabawasan ang halaga ng kanyang mga karanasan at kakayahan.

Sir Dizon sells eggs to market.

Ang kuwento ni Sir Dizon ay hindi lamang tungkol sa isang dating prinsipal na nagtatrabaho sa isang gasolinahan. Ito ay isang kuwento ng pagbangon, pag-asa, at determinasyon. Ipinakita niya na hindi hadlang ang anumang pagbabago o pagsubok sa pagbuo ng isang magandang at makabuluhang buhay. Sa kabila ng mga hamon na dumating sa kanyang buhay, nanatili siyang matatag at nagpatuloy sa pagbibigay ng kanyang sariling kontribusyon sa mundo.


Sa tuwing binabati ni Sir Dizon ang mga kostumer sa gasolinahan, ipinapakita niyang handa siyang maglingkod sa lahat. Hindi siya nahihiyang maging gas attendant at delivery boy.




Ang kuwento ni Sir Dizon ay isang paalala sa atin na sa pagharap sa mga pagbabago sa buhay, mahalaga ang pagtitiwala sa sarili at ang kakayahan nating bumangon muli kahit sa anumang sitwasyon. Sa kanyang pagsisikap at determinasyon, patuloy niyang ipinamalas na ang tunay na tagumpay ay hindi nakasalalay sa ating posisyon, kundi sa ating pagtanggap sa buhay at sa mga kontribusyon na maibabahagi natin sa iba.

Update: Ngayon, nagbebenta rin si Sir Dizon ng itlog gamit ang kanyang pampasadang van. Maaari niyo siyang kontakin sa kanyang Facebook page sa GOLDMOUNT. Suportahan natin si Sir Dizon sa pamamagitan ng pag-like sa kanyang Facebook page.



RECOMMENDED


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *