Skip to content

Sulat sa Tagapamahala ng Edukasyon

  • by

Ang Guro PH ay tumatanggap ng mga hinaing at bukas na sulat mula sa ating mga guro at magulang na nakakaranas ng tunay na sitwasyon ng ating edukasyon, Sa pagkakataong ito, ilalahad namin ang sulat ng isang guro na nais maghayag ng kaisipan sa kung ano ang tunay nating kalagayan.

Mahal naming tagapamahala ng edukasyon,

Itong sulating ito at maaring maging mitsa sa Kagawaran ng Edukasyon ngunit bilang isang magulang, ayon sa natatandaan kong turo ng guro mula kay Crisostomo Ibarra, ang sulating ito ay naglalayon lamang ng repormasyon, hindi upang may sunugin na tulay bagkus taimtim na naniniwala na may kapangyarihang dala parin ang pluma.



Ito ay patungkol sa mga ilang mga pangyayari sa kinabibilangan ng aking anak sa sangay o division ng edukasyon. Katatapos lamang ng kanilang selebrasyon ng anibersaryo. Ako ay nakikipagdiwang sa patuloy na pamamayagpag ng probinsiyang ito sa larangan ng akademiya. Ngunit ako ay labis na nalulungkot sa ilang katotohanang napansin ko mula dito.

Una, dahil ang anak ko ay kasalukuyang naka-enrol sa pampublikong paaralang ito dahil nais kong lumaki sila at matutong makipagsabayan sa madla at hindi makukulong sa prebilihiyong babakod naman sa paghulma sa kanilang kakayanan. Sinabihan ako ng kanilang guro na i-like ang facebook page ng espisipikong dibisyong ito dahil dito ie-ere ang ang mga audio-visual na aralin sa bawat baitang.

Pero ako ay nagulat dahil sa aking pagbubukas ng social media ay tumambad sa akin ang live ukay-ukay selling nila. Sinipat ko ang oras at wala pang alas-singko ng hapon. Nauunawaan ko naman na gagamitin ito para sa selebrasyon ng anibersaryo ngunit tila iba ang implikasyon nito sa akin bilang isang aktibong stakeholder.

 Pwede kaya ang magbenta ng live sa social media ang mga nasa masmataas na posisyon? Naalala ko tuloy ang ilang mga guro na napagsabihan ng mga nakatataas dahil hindi daw naayon sa etika ng isang guro ang magtinda sa paaralan at nakasali akong umupo noon sa pagpupulong na ito bilang presidente ng isang paaralang, may punto nga naman.



Pero dahil pandemya, ang mga nasa opisina ng dibisyong ito ba ay nangangahulugan din na maari na din silang magbenta? O sila ay hindi kasali sa etikang ito? Hindi ko maunawaan ang sistema, mukhang hindi pantay ang timbang. Pangalawa, may isang guro na lumapit sa akin. May qouta daw sila na ticket para sa anibersaryong ito at ang halaga nito ay isang libo. Isali pa ang mga envelope para sa money contest. Meron daw namang cash allowance na binigay noong teacher’s day ang gobyerno na isang libo pero tutustusin na daw niya para sa ticket.

Kaya humihiling siya na baka gusto ko daw magbigay ng boluntaryo para sa qouta nanamang envelope ng money contest. Huwag sanang mamasamain ang paghingi ng tulong ng gurong ito. Malapit siya sa akin at kita ko ang sakripisyo niya bilang ina ng tahanan dahil kasabay ko siyang lumaki at nakasama sa iisang unibersidad bagamat magkaiba ang kurso namin. Katatapos kasi ng gastusin niya sa hospital dahil sa magulang niyang dumanas ng COVID 19.

 Isali pa ang mga kapatid na nagaaral sa kolehiyo. Iba pa ang gastusin sa bahay at sa dalawang anak. Sa tingin ko baka may loan din ito dahil ginamit sa pagpapatayo ng kanilang bahay. Idagdag mo rin na nagtuturo ito sa malayong paaralan at hindi pa naililipat sa kanilang lugar kaya dagdag gastos ang pagaarkila nito ng sasakyan papunta sa trabaho dahil pandemya, walang regular na biyahe papunta sa work station niya.

Biniro ko siya at sinabing, bakit hindi nalang diretsong kinuha ng dibisyon ninyo ang isang libo na cash allowance ninyo noong teacher’s day at kailangang ipinadaan pa sa ATM ninyo kung gagawa din ng ganitong pakulo para makuha pabalik ang pera? Ngumiti lang naman ito na tila nahiya na sa akin. Nagsisi yatang humingi ng tulong. Sa tingin ba ng mga bumubuo ng programang ito hindi apektado ang mga guro sa pandemya?



Hindi naman nadoble ang sahod nila a? At lalong hindi ko naunawaan ng makita ko kung para saan ang makokolektang pera. Gagamitin daw ng LED para sa opisina ayon sa nakasulat sa proceed ng ticket. Tama nga naman , magagamit sa online na webinars at makatutulong pa sa iba’t ibang mga gawain at programa. Pero naisip ko lang, noong tinignan ko ang module ng anak ko, halata itong inayos na lamang at luma na dahil maaring ginamit sa nakaraang school year.

Tanong lang, ano ba ang maspriyoridad ng edukasyon, ang masmapaganda ang pasilidad ng opisina nito o gamitin sana ang pera para sa reproduksyon ng mababang kwalidad upang itaas ang kwalidad ng module para sa mga bata? Bakit hindi gamitin ang milyong pera (do the math) mula sa ticket at envelope para centralize ang reproduksyon ng module? Para sana may front cover na ito na yari sa masmatibay na papel para imbis na manual printing ang gagawin ng mga guro ay lagyan na lamang ito ng transparent na cover para masmapahaba pa ang buhay ng libro.

Kung talagang ang kabutihan at pagbabawas ng gastos ang iniisip ng mga nakatataas at bilang nagmamay-ari ng isa sa mga publikasyon hindi lang sa probinsiyang ito ngunit sa iba pang lugar, nakikita ko na ang laki ng nagagastos ng mga guro sa printing bawat kwarter.

Aba, kung sarili ko lamang ang iisipin ko huwag na sana akong magsasalita ngunit umaabot ng milyon din kung susumahin mo ang nagagastos ng sampung paaralan sa dalawang kwarter. Nasaan na ang learner-centered mula sa mission ng kagawaran ng edukasyon?

Huwag nanamang ipabubuhat sa kalihim dahil ito sana ay ang pinagtutuunan din ng mga lokal na sangay ng kagawaran at hindi ang pagpapaganda ng paaralan o opisina na naisasakripisyo naman ang tunay na pangangailangan ng mga magaaral. Isa pa ang pa-contest na marami. Dahil nga social media hindi maiiwasan na nakikita ito ng publiko.



 Mga paligsahang wala namang kinalaman sa tunay na sitwasyon ng edukasyon ngayon. Oo nga at sinasabi ang pakikiramay sa hirap na dinadanas dahil sa pangyayari ngayon sa panahon ng pandemya ngunit ang mga programa naman ay tila taliwas yata sa kung ano ang priyoridad ngayon. Patawarin pero mapagkunwari ang mukha ng edukasyon sa social media. Bilang isang nanonood ng mga larawan mula sa mga paligsahan na nagpakita sa sitwasyon ng mga guro sa ngayon, imbis na hahanga ako ay matatawa ako sa ilan. May mga scripted.

Hindi naman lahat ng manonood ay pikit-mata, may dilat na dilat at may mga kalahating nakapikit at kalahating nakadilat naman. Mas-tunay pa nga ang makikita mula sa mga gurong hindi alang-alang sa papuri ay nagpapakita ng larawan sa tunay na saya at hirap sa hamon ng edukasyon sa gitna ng pandemya.

Hindi ko naman sinasabing masama ang edukasyon, tunay nga na nagpapasalamat ako sa mga sakripisyo ninyo para mabuhay ang karunungan kahit sa anumang hampas na nagnanais na ipatumba ito.

Sana ang dunong na matututunan ng susunod na henerasyon ay hindi mapagkunwari, mapaglinlang at bahaw kundi kagitingan, katotohanan at tunay na dunong. At hindi sa garbo masusukat ito ngunit sa napipiga na aral mula sa maganda at masistemang kurikulum na lilinang sa kanilang dunong, kakayanan, at kagandahang-asal.

Salamat. Pahabol, huwag sanang isisi sa mga guro ang kwalidad ng esukasyon na napupulot ng mga magaaral sa lahat ng pagkakataon. Dahil napapansin ko na nakabase rin ito sa kung ano ang naiinom nila sa sistema.

Basahin : How to teach your children to read





RECOMMENDED


Tags:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *